Marami pa akong “first time” na naranasan nang nasa Ikalawang Baitang ako. Ilan pa rito iyong pagkatuto kong magsugal. Ewan ko ba pero ng panahong iyon, gustong-gusto kong nakikipagpustahan sa mga mag-aaral sa eskuwelahan namin tuwing “lunch break”. Hindi lang sa mga kaklase ko kundi maging sa mga mas may edad pa sa akin. Napa-barkada kasi ako noon sa isang nasa Ika-anim na Baitang na bata eh. Kaya naimpluwensiyahan niya akong magsugal. Halos lahat ng sugal nilalaro ko noon; teks pera, tantsing, hula (iyong hulaan ng taon na nasa barya), kara y krus, kara y kara atbp. Ang dahilan pa marahil kung bakit gustong-gusto kong magsugal ay sapagkat sa tuwing nagsusugal ako, palagi akong nananalo. Medyo natigil lang akong magsugal nang mawalan ako ng pera sa bag ko na nagkakahalaga ng Limampung Piso. Ingat-yaman kasi ako ng panahong iyon at ako ang taga-kolekta ng mga pinapa-kolekta ng guro namin. Inabonohan ng nanay ko ang nawalang perang iyon. Dahil sa nangyari, umiwas na ako sa kaibigan kong nasa Ika-anim na Baitang na kasama kong nagsusugal. May mga nagsasabi kasi na siya ang kumuha ng pera kong iyon na nawala sa bag ko.
Masarap ang buhay ko ng nasa Ikalawang Baitang. Masaya kaming magkakaklase at iyong ibang “section” sa paglalaro. Ilan sa paborito naming laro kapag “recess” at bago mag-umpisa ang klase ay ang “moro-moro” at “ma-out-out”. “Extreme” ang laro naming ito kasi umaabot iyong ibang kaklase namin at ibang bata na nasa ibang “section” sa paghahabulan sa “highway”. At minsan, umaabot pa lagpas sa sementeryo o hanggang sa Cruz ang habulan, huwag lang mataya. Iyong mga drayber nga ng mga sasakyan pinapagalitan sila kasi malapit sila sa disgrasya.
Dahil “intense” ang mga naglalaro sa larong "moro-moro" at habulan, hindi naiiwasan minsan na magkapikunan sa larong ito. Kapag nagkakapikunan, kadalasan nauuwi ito sa suntukan. At ang paboritong lugar kapag nagkakayayaan magsuntukan ay sa pabrika ng Kiskisan (ng palay). Ang Kiskisan ay ikalawang kanto lang mula sa eskuwelahan namin. Dito kadalasan nagkakayayaan kapag may mag-aaway na estudyante kasi tago ito. "One-on-one" ang suntukan dito at walang tulungan kahit marami ang estudyanteng miron. Inaawat lang ang nagsusuntukan kapag bugbog na ang isa (parang UFC noh hehehe). Hanga ako sa away dati kasi pagkatapos magsuntukan ng magkaaway, walang nagsusumbong sa guro. Wala ring trayduran ng panahong ito.
Isang “physical” na laro ang nakahumalingan namin bukod sa moro-moro at habulan at ito ay ang larong “Wrestling”. Madalas naming laruin ito sa “garden”, sa tapat ng Gabaldon na silid-aralan namin.
Bukod pa sa mga larong nabanggit, nahilig din ako sa larong gagamba. Uso kasi ang labanan ng gagamba ng panahong iyon sa eskuwelahan namin. Tiyagaan ang paghahanap ng gagambang panlaban. Dapat kasi ang gagamba mo iyong mga matatapang na gagamba tulad ng "talaan", gagambang mangga at gagambang saging. Minsan pwede na rin ang gagambang talangka. Kung ang iyong gagamba kasi ay tulad lang ng mga gagambang bahay, gagambang melon at gagambang talon, ipagdasal mo na iyong gagamba mo kasi tiyak na ipanghihimagas lang iyon ng gagambang makakalaban niya. Sa mga kaklase ko, ang isa sa pinakamagaling manguha ng gagamba ay si Ismael. Parang unggoy kasi iyon sa galing kung umakyat ng puno kaya maning-mani sa kanya ang manguha ng mga gagamba sa puno ng mangga.
Napaka-"memorable" itong larong ito para sa akin kasi ito iyong panahon na kinumpiska ng guro namin ang lahat ng mga dala naming magkakaklase na gagamba (na inilalagay namin sa kahon ng posporo) at inihulog lahat sa silong ng silid-aralan namin. (Nang panahon kasing ito, ang silid-aralan namin ay nasa Gabaldon; ito ay mataas na silid-aralan na ang ilalim ay tubig. Iyong silid aralan kasi namin ng panahong ito ay may mga butas ang sahig kaya pwede mo itapon sa silong iyong mga gusto mong itapon.) Dahil sa labis na pagmamahal at pag-aalaga ko sa mga gagamba ko, pagkatapos ng klase namin, nilusong ko talaga ang mga ito sa silong ng Gabaldon para maisalba lang sila. Iyon nga lang huli na ang lahat kasi hindi ko na sila nakita pa. Madilim kasi sa silong at saka madami pang basura.
Ang isa pang laro na kinahumalingan namin ay ang larong pintiw. Sugal ito na ang taya ay mga jolen o holen. Minsan marble ang taya dito. Sa mga kaklase ko, si Luciano ang isa sa pinakamagaling at may pinaka-nakakatuwang “style”. Imbes kasi na sa mata o sa bibig (iyong iba sinusubo iyong holen na pamato, kadiri noh) nanggagaling ang pang-asinta, sa ilong nagmumula iyong pang-asinta niya. Nakakatuwa, kasi iyong ilong ni Luciano parang sa mangkukulam katangos hehehe.
Itong taon ding ito ako nahumaling sa palabunutan. Ito iyong bubunot ka ng papel sa halagang 25 sentimos at buburahin mo iyong likod. Kapag iyong numero ng papel mo ay tugma sa numero kung saan nakalagay iyong premyo, panalo ka. Minsan pera ang premyo, minsan pagkain, minsan laruan. Pero ang gustong-gusto kong salihan na palabunutan ay iyong ibon na may kulay ang mapapanalunan. (Kung hindi tayo nagkakalayo ng edad, malamang nahumaling ka rin dito hehehe)
Isa sa natatandaan ko pa ng mga panahong ito ay ang kaklase ng ate ko na si Roberto. Oras kasi ng pananghalian, sa silid-aralan ng ate ko, ng makasama namin sa pagkain ng tanghalian itong si Roberto. Nang araw na iyon, may napakalaking sugat si Roberto na parang “tocino” ang itsura. Wala akong ganang kumain ng panahong iyon kasi nagkataon na ang baon naming ulam ng ate ko ay “tocino”. (What a coincidence! Hehehe)
Pagkatapos ng buong taon ko bilang mag-aaral sa Ikalawang Baitang, nakuha ko pa rin ang “first honor medal” sa “section” namin (na section 1 pa rin). Iyong mga kaklase ko na nakakuha ng medalya ng nasa Ika-Unang Baitang kami ay halos ganoon din.
(To Be Continued)